IBCTV13
www.ibctv13.com

PH at Japan, nangakong palalakasin pa ang Strategic Partnership sa larangan ng enerhiya, ekonomiya, at depensa

231
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos, Jr. held a bilateral meeting with Japanese Prime Minister Sanae Takaichi on the sidelines of the 49th ASEAN Summit and Related Summits on Monday, November 16. (Photo courtesy of PCO)

Nangako sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na higit pang palalakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Japan, partikular sa sektor ng enerhiya, kalakalan, pamumuhunan, seguridad, at depensa.

Ito ang naging pangunahing resulta ng bilateral meeting ng dalawang lider sa sidelines ng 49th ASEAN Summit and Related Summits nitong Lunes, Nobyembre 16, kung saan kanilang tinalakay ang mga nagawa at susunod na hakbang sa ilalim ng Comprehensive Strategic Partnership ng dalawang bansa.

Kapwa nagpahayag ng kasiyahan sina Pangulong Marcos Jr. at Takaichi sa patuloy na pag-unlad ng kanilang bilateral relations, partikular sa larangan ng politika, ekonomiya, at people-to-people exchanges.

Kabilang sa mga napagkasunduan ang pagpapalakas ng kooperasyon upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng langis at pag-aaral sa paggamit ng nuclear energy.

Tinalakay din ang paghahanda ng dalawang bansa sa mga posibleng krisis na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng enerhiya.

Samantala, napag-usapan din ng dalawang panig ang mga naging pag-unlad sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) habang nangakong ipagpapatuloy ang mga negosasyon upang makabuo ng kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang bansa.

Binigyang-diin nina Pangulong Marcos Jr. at Takaichi ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad, kasunod ng mga hakbang na nagpalakas sa kakayahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Japan.

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos Jr. sa patuloy na suporta ng Japan sa pagpapalakas ng strategic resilience ng Pilipinas sa pamamagitan ng Official Security Assistance (OSA).

Kabilang sa pinakahuling tulong na ipinagkaloob ng Japan sa ilalim ng naturang programa ang halagang 4.3 bilyong Japanese yen.

Sa huli, nagpahayag ng kumpiyansa ang dalawang lider na magsisilbing gabay ang mga napagkasunduan upang higit pang patatagin ang Comprehensive Strategic Partnership ng Pilipinas at Japan, na nakabatay sa 70 taong pagkakaibigan at kooperasyon. – VC