
Nakatuon ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapabilis ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kung saan inaasahan ang pagrekober ng bansa sa second half ng 2026, kasunod ng naitalang 2.3% Gross Domestic Product (GDP) growth para sa second quarter ayon sa Malacañang.
Upang makabawi, tututukan ng pamahalaan ang agarang pagsasakatuparan ng mahahalagang proyekto sa imprastraktura at pagpapatatag sa presyo ng bilihin.
Iniugnay ng Malacañang ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya sa epekto ng tensyon sa Middle East na nakaapekto sa inflation, trabaho, pagpapadala, at presyo ng petrolyo.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pansamantalang bumagal din ang public construction dahil sa pagtugon sa korapsyon kaugnay sa paggasta sa imprastraktura.
“This slowdown is only temporary. It is the result of unusual events, especially the impact of the Middle East conflict, which has affected inflation, fuel prices, jobs, and remittances, along with a temporary slowdown in public construction as the government increased efforts to address corruption in infrastructure spending,” saad ni Castro.
Bilang bahagi ng hakbangin ng pamahalaan, ipagpapatuloy ang ilang targeted assistance sa mga vulnerable sector tulad ng Expanded UPLIFT assistance para sa 7.5 milyong pamilya, pagbibigay ng P12/L Fuel Subsidy Program, at ang pamamahagi ng libreng bigas sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang program.
Itutuon din ng administrasyon ang mga polisiya sa pagpapalawak sa “exports,” pagpapabuti ng kakayahang makipagsabayan, at pagposisyon sa Pilipinas para makinabang sa global AI at digital economy sa pamamagitan ng mga pamumuhunan sa teknolohiya, kasanayan, at high-value industries tulad ng Pax Silica.
Samantala, nakapila na rin ang mahahalagang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) measures na susuporta sa mga middle class gaya ng panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na magbabawal sa distribution utilities at electric cooperatives na singilin ang system loss charges at kaukulang value-added tax (VAT) sa mga ordinaryong konsyumer.
Kabilang pa sa inilatag na priority bills ang Sariling Kuryente Act, pagtaas sa personal income tax exemption threshold patungo sa P350,000, pagbuwag sa Minimum Corporate Income Tax (MCIT) exemption para sa maliliit na negosyo, General Tax Amnesty, at ang Travel Tax Abolition.
“As the government continues to speed up spending and release budgets more quickly, we hope the economy can start to pick up in the second half of the year as well,” ayon kay Castro. – VC











