
Pinalawak pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang benepisyo para sa mga pasyenteng may moderate hanggang severe na kaso ng leptospirosis, epektibo simula Hulyo 15.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access ng mga Pilipino sa kinakailangang gamutan nang hindi nababaon sa malaking gastusing medikal.
Sa ilalim ng pinalawak na benefit package, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong pasyente ng hanggang P63,000 para sa hospital care, P170,000 para sa hemodialysis, at hanggang P230,000 para sa peritoneal dialysis.
Maaari pang umabot sa P411,000 ang kabuuang package para sa mga pasyenteng nangangailangan ng kritikal na gamutan, kabilang ang kombinasyon ng hemodialysis, mechanical ventilation, at pulmonary rehabilitation.
Kasama sa pinalawak na benepisyo ang libreng konsultasyon sa mga accredited YAKAP providers, kung saan maaaring resetahan ang pasyente ng doxycycline kung ito ay kinakailangan.
Ang doxycycline ay gamot na iniinom bilang pang-iwas sa leptospirosis batay sa payo ng healthcare provider.
Saklaw ito ng PhilHealth GAMOT Package, na nagbibigay ng P20,000 kada miyembro bawat taon para sa mga kinakailangang gamot laban sa leptospirosis.
Karaniwang tumataas ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa Pilipinas kasunod ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pananalasa ng mga bagyo.
Sa pagpapalawak ng coverage, inaasahang mas maraming Pilipino ang makatatanggap ng agaran at sapat na gamutan. – VC











