IBCTV13
www.ibctv13.com

PhilHealth, pinalawak ang HIV/AIDS coverage at tiniyak ang proteksyon sa mga pribadong impormasyon

Hecyl Brojan
83
Views

[post_view_count]

Photo from PhilHealth

Mas pinalawak pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package kasabay ng paggunita ng World AIDS Day na may temang “Overcoming Disruption, Transforming the AIDS Response” ngayong Lunes, Disyembre 1.

Saklaw na ngayon ng enhanced package ang P58,500 annual benefit, o 95% na pagtaas mula sa dating P30,000, para sa antiretroviral therapy at iba pang essential services ng mga pasyenteng may kumpirmadong HIV.

Ayon kay PhilHealth Acting President and CEO Dr. Edwin M. Mercado, ligtas at kumpidensyal ang lahat ng serbisyong ibinibigay, at hinihikayat niya ang PLHIV na huwag matakot magpagamot.

“Wala po kayong dapat ipag-alala, narito po ang PhilHealth upang tugunan ang inyong pangangailangang medikal. Kaya huwag po kayong matakot o mahiyang magpagamot. Makakaasa kayo na po-protektahan namin ang inyong mga personal na impormasyon,” ani Mercado.

Ang pagpapalawak ay tugon sa ulat ng Department of Health (DOH) noong Nobyembre 27 na mahigit 5,500 bagong kaso ang naitala mula buwan ng Hulyo hanggang Setyembre 2025, at sa panukalang deklarasyon ng national public health emergency dahil sa patuloy na pagtaas ng HIV cases.

Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang healthcare benefits at tiyaking sapat ang suportang pinansyal para sa mga pasyente.

Maaaring ma-access ang OHAT Package sa 234 PhilHealth-accredited HIV treatment hubs sa bansa kung saan noong 2024, nakapaglabas ang PhilHealth ng P1.66 bilyon para sa 176,819 OHAT claims.

Nagpahayag din ng panawagan si Dr. Mercado sa mga magulang na bigyang-suporta ang kabataang PLHIV, lalo’t pabata nang pabata ang mga kaso, at hikayatin ang early prevention at regular care sa YAKAP Clinics.

“Nakakabahala ang mga balita na pabata ng pabata ang mga PLHIV kung kaya’t nananawagan kami sa mga magulang ng mga kabataan, suportahan at iparamdam natin sa kanila na hindi sila nag-iisa at may kinabukasang naghihintay sa kanila sa pamamagitan ng early prevention at regular na pangangalaga sa ilalim ng ating mga YAKAP Clinics,” saad ni Mercado. –VC

Related Articles