
Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang lalakas ang ugnayan ng Pilipinas at Vietnam matapos pormal na itaas ang relasyon ng dalawang bansa sa antas ng Enhanced Strategic Partnership ngayong Lunes, Hunyo 1.
Sa kanyang toast remarks sa inihandang state luncheon para kay Vietnam Communist Party General Secretary at President To Lam, sinabi ng Pangulo na inaasahan niyang mas magiging matatag ang relasyon ng Pilipinas-Vietnam gayundin ng mga Pilipino at Vietnamese sa mga susunod na taon.
“I am confident that the years ahead will see even stronger ties between our two governments, and between the Filipino and Vietnamese peoples, nurtured through harmonious, vibrant, and productive interactions,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang pag-angat ng relasyon ng dalawang bansa sa Enhanced Strategic Partnership ay magbubukas ng panibagong yugto sa kanilang diplomatikong ugnayan at magbibigay-daan sa mas malalim na kooperasyon sa iba’t ibang larangan.
Binigyang-diin ng Pangulo na nagkakatugma ang interes ng Pilipinas at Vietnam sa pagsusulong sa seguridad sa enerhiya at pagkain, pagtugon sa mga umuusbong na hamon sa seguridad, pagpapanatili ng yamang-dagat, pagtaguyod ng pandaigdigang batas, at mapayapang pagtugon sa mga hindi pagkakaunawaan.
Bagama’t may mga pagkakataong nagkakaiba ang pananaw ng Pilipinas at Vietnam sa ilang usaping panrehiyon, sinabi ng Pangulo na napatunayan na ng dalawang bansa ang kanilang kakayahang magsagawa ng konstruktibong diyalogo at praktikal na kooperasyon para sa parehong interes.
Dumating si President To Lam sa Pilipinas nitong Linggo, Mayo 31, para sa dalawang araw na state visit na inaasahang magpapalalim pa sa ugnayang pampulitika, pangdepensa, at pang-ekonomiya ng dalawang bansa. – VC











