
Nakatakdang humiling ng rekonsiderasyon ang Pilipinas sa Estados Unidos kaugnay sa desisyon ni US President Donald Trump na magpataw ng 20% taripa sa Pilipinas.
Kaugnay ito sa ipinadala na liham ni Trump kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nag-aabiso sa pagpapatupad ng naturang taripa simula Agosto 1, 2025 dahil sa umano’y ‘trade deficit’ o hindi patas na kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Frederick Go, nakakabahala sa bansa ang taripang 20%.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Go na nananatili itong second lowest sa lahat ng reciprocal tariffs na ipinataw ng US sa mga kasamang bansa sa rehiyon, pangalawa sa 10% ng Singapore.
Sa ilalim ng bagong taripa, anumang produkto mula sa Pilipinas na ipapasok sa US ay papatawan ng 20% buwis. Hihigpitan din ang mga produktong transshipped upang maiwasan ang pagtakas sa buwis.
Hindi naman maaapektuhan ang mga kumpanyang Pilipino sakaling magtatayo ng negosyo o magma-manufacture ng mga produkto sa loob ng Amerika.
Sa kabilang banda, iniulat ni Go na malaking bahagi ng export product ng bansa sa sektor ng semiconductor at electronics, na siyang pangunahing export ng Pilipinas sa US, ay hindi pa sakop ng nasabing reciprocal tariffs sa ngayon.
Patuloy naman na makikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga kinauukulang opisyal sa Estados Unidos upang maiwasan ang pagtaas ng presyo sa mga export at mapanatili ang magandang ugnayang pang-ekonomiya.
Sa katunayan, sinabi ni Go na nakatakda itong bumiyahe sa susunod na linggo kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) patungong Amerika upang makipagpulong sa trade representatives ng US at isulong ang bilateral comprehensive economic agreement o ang posibleng Free Trade Agreement (FTA).
“We remain committed to continuing negotiations with the United States, in good faith, to pursue a bilateral comprehensive economic agreement or if possible, an FTA,” saad ni Go.
“So myself, together with DTI Secretary Cristina Roque and Undersecretary Perry Rodolfo and Undersecretary Allan Gepty, will be flying to the United States next week,” dagdag niya.
Samantala, sa kanyang pormal na liham, sinabi ni Trump na bukas siya sa pagbabago ng desisyon sa porsyento ng taripa, depende sa magiging usapan ng dalawang bansa. – VC