
Muling kinilala ang Pilipinas sa pandaigdigang entablado matapos kilalanin bilang isa sa most exciting food destinations ngayong 2026 ng Michelin Guide.
Malugod na tinanggap ng Department of Tourism (DOT) ang pagkilala na naglalagay sa Pilipinas sa listahan ng 16 na inirerekomendang food destination sa buong mundo.
Pinuri ng Michelin Guide ang husay ng mga Filipino chef, partikular ang kabataang henerasyon na mahusay na pinagsasama ang tradisyunal at modernong pamamaraan sa pagluluto.
Kabilang sa mga inirekomendang putahe ng mga anonymous inspector ang sisig, sinigang, inasal, at adobo, na nagpapakita ng natatanging timpla ng alat, asim, at tamis ng pagkaing Pilipino.
Kinilala rin ang kasaganaan ng sariwang sangkap sa bansa, bunga ng magandang klima, pati na rin ang mga de-kalidad na hotel at resort na akma sa food tourism.
Sa pagdating ng Michelin Guide noong Oktubre 2025, 108 establisyimento sa Maynila at Cebu ang nabigyan ng parangal, na makasaysayan para sa lutong Pinoy. – VC











