
Inihalal ang Pilipinas bilang miyembro ng UNESCO Intergovernmental Committee for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage (IGC-ICH) para sa terminong 2026–2030, Huwebes, Hunyo 18.
Sa ika-11 sesyon ng General Assembly of States Parties to the 2003 Convention for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage sa Paris, nakakuha ang Pilipinas ng 106 boto o katumbas ng 68% ng 156 bansang kasapi ng UNESCO.
Kasamang nahalal mula sa Asia-Pacific Group ang Japan na may 117 boto, Indonesia na may 113 boto, at Cambodia na may 97 boto.
Sa pahayag ng Embassy of the Philippines sa France, sinabi nitong ang pagkakahalal ng bansa ay patunay ng lumalawak na pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa mayamang pamanang kultura at kasiglahan ng sambayanang Pilipino.
“Our election to this important committee demonstrates how the world community of nations has always held our country in high esteem, especially with regards our multicultural and multiethnic heritage which has in effect made the Philippines a bridge between all peoples of the world,” ani Philippine Ambassador to France Eduardo Jose de Vega.
Ang IGC-ICH ang nangangasiwa sa pagbibigay ng gabay kaugnay ng pinakamahusay na pamamaraan para sa pangangalaga ng cultural expressions, indigenous knowledge, at traditional practices.
Tungkulin din nitong suriin at aprubahan ang mga nominasyon ng cultural elements, na isasama sa mga listahan ng UNESCO para sa intangible cultural heritage.
Bilang bagong halal na miyembro, isusulong ng bansa ang mga capacity-building programs sa pangangalaga ng living heritage, lalo na sa mga lugar na apektado ng sakuna at climate change.
Lalahok din ito sa mga talakayan hinggil sa gender equality at disability inclusion, at mga epekto ng migrasyon at mga umuusbong na teknolohiya sa pagpapanatili ng intangible cultural heritage.
Kabilang sa mga kultura at tradisyong Pinoy na naitala sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage ang Aklan piña handloom weaving, Tugging rituals and games, Ifugao Hudhud chants, Darangen epic ng mga Maranao, Buklog, Asin Tibuok, at School of Living Traditions program. – VC











