IBCTV13
www.ibctv13.com

Pilipinas, pormal na naghain ng nautical chart ng Bajo de Masinloc sa United Nations

180
Views

[post_view_count]

Philippine Ambassador and Permanent Representative to the United Nations Enrique A. Manalo, together with NAMRIA Administrator Undersecretary Peter N. Tiangco and DFA Spokesperson for Maritime Affairs Deputy Assistant Secretary Rogelio E. Villanueva Jr., formally submitted the official copy of NAMRIA Chart No. 1567, Bajo de Masinloc and Approach, to Deputy Director Alice Hicuburundi of the UN Division for Ocean Affairs and the Law of the Sea. (Photo courtesy of DFA)

Pormal nang inihain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa United Nations (UN) ang opisyal na nautical chart ng Bajo de Masinloc at mga karatig nitong maritime zone bilang bahagi ng pagpapatibay ng foreign policy ng Pilipinas na nakabatay sa pandaigdigang batas. 

Sa press briefing nitong Lunes, Agosto 3, inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro na pinangunahan ni Philippine Ambassador at Permanent Representative to the United Nations Enrique Manalo ang pagsusumite ng chart alinsunod sa Article 16 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nakapaloob sa naturang chart ang normal baselines ng Bajo de Masinloc, kabilang ang 12-nautical mile territorial sea at 24-nautical mile contiguous zone.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), layunin ng hakbang na ito na higit pang pagtibayin ang paninindigan ng Pilipinas sa pagprotekta sa karapatang pandagat nito na nakaayon sa international law, kasabay ng pagpapalakas ng legal certainty, transparency, at global recognition sa maritime jurisdiction ng bansa.

“Mahalaga rin ito sa pagpreserba ng opisyal na record ng mga maritime entitlement ng bansa sa harap ng epekto ng climate change sa pagtaas ng lebel ng dagat,” giit ni Castro.

Dagdag niya, ang paghahain ay kaakibat ng mas malawak na layunin ng administrasyon na igiit ang sovereign rights at maritime entitlements ng Pilipinas habang isinusulong ang isang rules-based international order batay sa UNCLOS at 2016 Arbitral Award.

“Isa lang ang hakbang na ito ng pamahalaan na naglalayong mapanatili sa kaisipan ng bawat Pilipino at ng buong mundo ang mga karagatan ng Pilipinas lalong lalo na ang West Philippine Sea,” ani Castro.

Mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Marcos Jr., makailang ulit nitong iginiit na hindi isusuko ng Pilipinas ang mga lehitimong karapatan nito sa mga maritime zone at patuloy na ipagtatanggol ang soberanong karapatan ng bansa alinsunod sa pandaigdigang batas.

Ayon kay PCO Usec. Castro, ipinapakita ng mga kamakailan lamang na diplomatikong hakbang ang patuloy na kampanya ng administrasyon na pangalagaan ang pambansang interes sa karagatan at tiyakin ang pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa mga lehitimong pag-angkin ng Pilipinas. – VC