Opisyal nang tinanggal ang Pilipinas sa ‘grey list’ ng Financial Action Task Force (FATF) matapos ang higit tatlong taon kasunod ng epektibong pagsulong ng administrasyong Marcos Jr. sa mga hakbang kontra money laundering at counter-terrorism financing regime.
“The plenary agreed to take the Philippines off the grey list in recognition of the completion of their action plan, which was agreed in June of 2021. Amongst other efforts and results, the Philippines is now actively combating the risk of dirty money flowing through casinos in the country,” saad ni FATF President Elisa de Anda Madrazo.
Kinilala ng FAFT ang pinalakas na paglaban ng bansa kontra money laundering at counter-terrorism financing alinsunod sa pangakong tugunan ang ‘strategic deficiencies’ na natukoy noon ng task force.
“The Philippines is expected to sustain the implementation of the reforms and importantly to do so in a way that is consistent with the FATF standard,” dagdag ni Madrazo.
Ang mga bansang kabilang sa grey list ng FAFT ay mahigpit na binabantayan dahil sa kakulangan ng mga ito sa kakayahang pigilan ang iligal na daloy ng pera.
Matatandaang nalagay sa nasabing listahan ang Pilipinas noong Hunyo 2021 na naging dahilan kung bakit maraming dayuhang bangko ang umiwas sa mga institusyong pampinansyal ng bansa.
Ngayong nakaalis na, tiniyak ng bansa na patuloy na magpapatupad ng mga reporma upang mapanatili ang tiwala ng internasyonal na komunidad at maiwasang mapabalik sa listahan.