
Apat na mahahalagang kasunduan ang sinelyuhan sa harap nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vietnamese Communist Party General Secretary at President To Lam sa Malacañang ngayong araw, Hunyo 1.
Kasunod ng pag-angat ng relasyon ng Pilipinas at Vietnam sa Enhanced Strategic Partnership, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan para sa Defense Cooperation sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Ministry of National Defense.
Ang kasunduan ay higit pang palalakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng depensa at seguridad sa gitna ng mga hamon sa rehiyon.
Lumagda naman ng kasunduan para sa Tourism Cooperation Program mula 2026 hanggang 2029 ang Department of Tourism (DOT) at Ministry of Culture, Sports and Tourism na inaasahang magbubukas ng maraming oportunidad para sa turismo ng dalawang bansa.
Sa larangan naman ng teknolohiya, nilagdaan ang MOU on Information Technology and Digital Transformation Cooperation para sa mas malakas na information technology at digital transformation partnership.
Samantala, inangat ng Pilipinas-Vietnam ang pagtutulungan sa larangan ng edukasyon matapos lumagda ang University of the Philippines (UP) at Academy of Public Administration and Governance ng Ho Chi Minh National Academy of Politics para sa pagpapalitan ng kaalaman at karanasan. – VC











