Walang inaasahan ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na anumang low pressure area (LPA) na mamumuo sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na limang (5) araw batay sa 4:00 a.m. weather advisory nito ngayong Biyernes, Disyembre 6.
Sa kabila nito, hindi pa rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad ng mahihinang pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon o amihan, na maaaring makaapekto sa extreme Northern Luzon, partikular na sa Batanes kaya naman payo ng PAGASA ay maging handa sa posibleng epekto nito.
Samantala, ang shearline naman ang inaasahang makaapekto sa Cagayan, Isabela, at malaking bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR) na maaaring makaranas ng maulap na kalangitan at pag-ulan.
Posible ring makaranas ng pulu-pulong pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil naman sa epekto ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, ang mga ganitong kondisyon ay karaniwan tuwing Disyembre, kaya naman pinapayuhan ang lahat ng maging maingat at handa. – AL