
Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang mga hakbang para mapagaan ang epekto ng inflation sa bansa, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Kasunod ito ng pagbilis sa 7.8% ng inflation rate para sa buwan ng Oktubre 2026, mula sa naitalang 7.2% noong Setyembre.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, pinaiigting ng pamahalaan ang mga programa para maparami ang suplay ng pagkain, mapababa ang gastos sa pagdadala ng mga produkto, at matulungan ang mga sektor na higit na apektado.
Kabilang dito ang pagpapalawak ng Department of Agriculture (DA) sa tulong para sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sakop nito ang pagbibigay ng de-kalidad na binhi, makinarya, training, at credit assistance upang mapataas ang ani ng mga magsasaka.
Pinalalawak din ang KADIWA ng Pangulo at iba pang direktang bentahan ng mga produktong agrikultural upang mas madaling makabili ang mga mamamayan ng pagkain sa mas abot-kayang presyo.
As of October 21, nakapaglabas na ang ahensya ng P11 bilyon para sa production support, bayad sa mga nasirang pananim at alagang hayop, cash assistance, at iba pang suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.
Naglaan din ang pamahalaan ng P3 bilyong fuel subsidy na sinimulang ipamahagi noong Oktubre para sa tinatayang 300,000 magsasaka, mangingisda, at delivery-truck drivers na naghahatid ng produktong agrikultural.
Sa sektor ng enerhiya, kumikilos na rin ang Department of Energy (DOE) upang matiyak na sapat ang suplay ng kuryente sa gitna ng inaasahang epekto ng El Niño.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng generation capacity at pagde-deploy ng mga energy storage system.
Pansamantala ring sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Reserve Market ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) upang makatulong na mapababa ang dagdag na gastos sa suplay ng kuryente.
Patuloy ding binabantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang galaw ng presyo ng mga bilihin upang agad na makagawa ng mga hakbang laban sa posibleng panibagong pagtaas ng inflation. – IP











