IBCTV13
www.ibctv13.com

PITX, handa na para sa 3-M pasaherong bibiyahe pagsapit ng Kapaskuhan

Jerson Robles
153
Views

[post_view_count]

Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) (Photo by Divine Paguntalan, IBC News)

Nakahanda na ang Oplan Biyaheng Ayos ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa pagtanggap ng humigit-kumulang tatlong milyong pasahero mula Disyembre 20, 2024 hanggang Enero 6, 2025.

Sa inaasahang pagdagsa ng mga tao para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, siniguro ng PITX ang maayos at ligtas na biyahe para sa mga komyuter na bibiyahe patungo at palabas ng Metro Manila.

Ayon sa PITX, ang peak ng pre-Christmas rush ay inaasahang mangyayari sa Disyembre 20 kung kailan magsisimula na ang mga tao sa kanilang pag-uwi para ipagdiwang ang kapaskuhan.

Magpapatuloy ito hanggang Disyembre 23 hanggang katapusan ng buwan bilang paghahanda naman para sa Bagong Taon.

Katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Metro Manila Development Authority (MMDA), magkakaroon ng karagdagang bus units, masusing pagsusuri at inspeksyon ng mga sasakyan, at mahusay na pamamahala ng trapiko upang maging maayos ang daloy sa terminal.

Upang matulungan ang mga pasahero at masiguro ang “Biyaheng Ayos” na karanasan, pinatibay ng PITX ang kanilang customer service upang matugunan ang pangangailangan ng mga biyahero.

Magiging available din ang real-time updates tungkol sa mga iskedyul ng biyahe at availability ng bus sa mga opisyal na platform ng PITX.

Ang Philippine National Police (PNP) naman ang nakatakdang umantabay sa seguridad ng mga terminal na magiging bukas 24/7.

“PITX is committed to ensuring ‘Biyaheng Ayos’ for all passengers this holiday season,” saad ni Jason Salvador, Corporate Affairs and Gov’t Relation Director ng PITX.

“We understand how important this time is for families, and with the support of DOTr, LTFRB, LTO, and MMDA, we are ready to provide a smooth and worry-free journey for everyone.” dagdag niya.

Paalala ng pamunuan ng PITX sa mga pasahero, planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, pagbili ng tiket at pagpunta sa terminal upang maiwasan ang pagkaantala. – VC

Related Articles