
Nagpahayag ng suporta ang pribadong sektor sa plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawakin sa mga small taxpayer ang One-Time Abatement Program, matapos makapagtala ng halos 4,000 micro taxpayers na nakinabang sa programa sa loob lamang ng apat na buwan.
Batay sa datos ng BIR, umabot sa 3,929 micro taxpayers ang nakinabang sa programa as of October 24, 2026, kung saan kabuuang P266.79 milyon na buwis at penalties ang naresolba.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, ipinakikita ng mataas na bilang na malaking tulong ang tax relief sa mga negosyo upang maisaayos ang kanilang mga obligasyon at tax records.
Nakatutulong din ito sa komisyon na maresolba ang mga matagal nang nakabinbing tax cases.
“Sa ngayon, ang programa ay para sa micro taxpayers na may annual gross sales na mas mababa sa P3 million. Dahil dito, pinag-aaralan natin ang pagpapalawak para maisama ang small taxpayers na may annual gross sales na P3 million hanggang mas mababa sa P20 million,” ani Mendoza.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa, maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong micro taxpayers na may covered basic taxes at/o penalties na hindi lalampas sa
P80,000 kada taxable year sa pamamagitan ng pagbabayad ng P5,000 abatement fee, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon.
Mananatiling bukas ang programa hanggang Disyembre 31, 2026.
Pinuri naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) si Mendoza at ang BIR sa pagpapatupad ng One-Time Abatement Program.
Ayon sa PCCI, patunay ang datos ng BIR na epektibong nakatutulong ang programa sa mga maliliit na negosyo.
Bukod sa 3,929 benepisyaryo, nakapagtala rin ang BIR ng 17,101 aplikasyon, kung saan 15,050 na ang naaprubahan.
Samantala, nagpahayag din ng buong suporta ang Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT) sa BIR sa planong pagpapalawak ng programa.
Inilarawan ng PHILEXPORT ang hakbang bilang isang “pro business move,” na makatutulong na patatagin ang pundasyon ng ekonomiya.
Ayon sa grupo, magiging mahalagang tulong ito sa mga small taxpayer na patuloy na bumabangon mula sa epekto ng pandemya at humaharap sa pabagu-bagong kondisyon ng pandaigdigang merkado
Kasabay nito, hinikayat ng PHILEXPORT ang lahat ng kwalipikadong micro entrepreneurs na samantalahin ang kasalukuyang programa bago ang deadline sa Disyembre. – VC











