Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ang kaso ng kidnapping sa bansa ngayong Enero 2025 matapos ang ipinatupad na total ban sa Philippine offshore gaming operator (POGO) noong Disyembre 31, 2024.
Batay sa datos ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG), apat na traditional kidnapping incidents ang naitala ngayong taon, mas mababa kumpara sa anim na kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
“Bumaba ang kaso ng kidnapping kumpara sa same period last year na kung saan ang taong kaparehas nito noong taong January 2024 ay may naitala tayong 6 na kaso ng kidnapping,” saad ni PNP Information Chief Col. Randulf Tuaño.
Dagdag pa ng ahensya, wala rito ang naitalang POGO-related kidnap for ransom (KFR).
Matatandaang sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 2024 ay ipinag-utos niya ang pagsasara sa lahat ng POGO hubs sa bansa. – AL