Nakiisa na ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanap kay dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na ipinaaaresto ng House Quad Committee matapos bigong magsumite ng mga hinihinging dokumento kaugnay sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Kabilang na rito ang kopya ng kanyang mga Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth, gayundin ang rekord ng Biancham Holdings na pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
Bukod dito, hindi rin naisumite ni Roque ang mga papeles na magpapatunay sa bentahan ng ari-arian sa Parañaque City na pinanggalingan umano ng kanyang yaman.
“The PNP is now fully engaged in the manhunt for Atty. Harry Roque, and we are coordinating closely with the National Capital Region Police Office and the Criminal Investigation and Detection Group to ensure his swift apprehension,” saad ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.
Nitong Biyernes, Setyembre 13, personal na tinungo ng mga awtoridad si Roque sa kanyang law firm sa Antel Corporate Centre sa Makati City upang maghain ng arrest warrant ngunit bigo itong makita.
“This kind of defiance cannot be taken lightly, as it underscores the seriousness of the allegations against him. We will pursue this matter through all available legal avenues until justice is served,” ani Fernandez.
Binigyang-diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mayroong mga ebidensya na nag-uugnay kay Roque sa iligal na POGO.
Ang hindi aniya pakikipagtulungan sa quad committee ay magpapatindi lamang sa alegasyon na mayroon itong itinatago at kaugnayan sa illegal gambling operations.