IBCTV13
www.ibctv13.com

Pondo para sa libreng kolehiyo, itinaas sa P61.1-B ng Marcos Jr. admin

303
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. met with Bagong Pilipinas scholars in General Trias, Cavite. (File photo of PCO)

Isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P61.10 bilyong pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) program sa ilalim ng 2027 national budget upang mapalawak ang access ng mga Pilipino sa libreng kolehiyo.

Kabilang sa popondohan ang libreng tuition at iba pang bayarin sa mga state universities and colleges (SUCs) at kwalipikadong local universities and colleges (LUCs).

Nakapaloob din sa P61.10-B ang Tertiary Education Subsidy (TES) at libreng technical-vocational training sa mga pampublikong institusyon.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mas mataas ang pondo para sa UAQTE sa SUCs ng P1.30 bilyon o katumbas ng 5%, kumpara sa panukalang pondo noong 2026.

Sinabi ng DBM na dulot ito ng patuloy na pagdami ng enrollees mula 2023-2025.

Dahil dito, mas maraming estudyante ang maaaring mabigyan ng pagkakataong makapag-aral para sa kanilang undergraduate degree.

Sa kabuuan, nakatakdang makatanggap ang mga SUC sa bansa ng P141.09 bilyon sa panukalang 2027 budget.

Mas mataas ito ng P6.099 bilyon, o 4.5%, kumpara sa P134.991 bilyong inilaan sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Para sa Commission on Higher Education (CHED), nadagdagan ng P383 milyon ang alokasyon sa UAQTE, na gagamitin para suportahan ang mas maraming estudyante sa mga bagong kinilalang LUCs at para sa Tertiary Education Subsidy.

Samantala, P814 milyon o 16.1% naman ang itinaas sa UAQTE budget ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na makatutulong sa mga estudyanteng kukuha ng diploma courses, kabilang ang mga benepisyo ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10931, maaaring makapag-aral nang libre sa tuition at iba pang school fees ang mga kwalipikadong estudyante na kukuha ng kanilang unang undergraduate degree sa SUCs at mga kinikilalang LUCs.

Ipinangako naman ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpapalawak ng access sa abot-kayang tertiary education bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na bumuo ng mas produktibo, makabago, at globally competitive na workforce.

“Beyond basic education, we shall also ensure that financial constraints do not prevent deserving Filipinos from pursuing higher education and technical-vocational training. By expanding access to affordable tertiary education, we are investing in a workforce that is more productive, innovative, and globally competitive,” ayon sa Pangulo. – VC