IBCTV13
www.ibctv13.com

Poverty rate sa Pilipinas, bumaba sa record-low na 9.7% noong 2025

69
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) Walang Gutom Program conducted its Food Redemption Activity at Brgy. Cabulihan Covered Court in Ormoc City, Leyte on July 24, 2026. (Photo courtesy of Ormoc LGU)

Bumaba sa 9.7% ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng kahirapan noong 2025, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).

Ito na ang pinakamababang poverty rate na naitala ng bansa na mas maaga sa target ng gobyerno na makamit ang single-digit poverty rate sa ilalim ng Philippine Development Plan.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 11 milyong Pilipino na lamang ang nasa ilalim ng poverty threshold noong 2025, mas mababa kumpara sa 17.5 milyon noong 2023.

Sa loob ng dalawang taon, tinatayang 6.5 milyong Pilipino ang nakaahon sa kahirapan.

Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, malaking tulong sa pagbaba ng poverty rate ang paglago ng ekonomiya, mas mababang inflation, at magandang kondisyon ng labor market.

Noong 2024-2025, nasa average na 5.1% ang GDP growth ng bansa, 2.5% ang average inflation, habang 4% ang unemployment rate.

Tumaas din ng humigit-kumulang 22% ang kita ng mga pamilya mula 2023-2025, mas mataas kaysa sa 5% kabuuang inflation sa parehong panahon.

Nakitang nakatulong dito ang mga programa ng gobyerno tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Social Pension Program, KADIWA, Walang Gutom Program, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, at DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program.

Gayunman, sinabi ni Balisacan na maaaring bumagal ang pagbaba ng poverty rate ngayong 2026, dahil sa mas mahirap na kalagayan ng ekonomiya.

Iginiit niya na kailangang ipagpatuloy ang paglikha ng trabaho, pagpapalago ng negosyo, at pagbibigay ng suporta sa mga manggagawa upang hindi bumalik sa kahirapan ang mga pamilyang nakakaahon na.

“As we enter the final years of the administration, our priority is to ensure that families who have moved out of poverty do not fall back into it,” ani Balisacan. – VC