Nabawasan na ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Batay ito sa pinakahuling datos ng ahensya simula Setyembre 10-16 kung saan humigit kumulang 50 Chinese vessels na umaaligid sa WPS na ang umalis sa lugar.
Matatandaang nitong Setyembre 3-9 ay pumalo sa 207 barko ng China ang naitala ng AFP na nagmamatyag sa WPS, ngunit sa pinakahuling tala nito ay bumaba na ito sa 157 barko.
Kabilang sa mga nabanggit na bilang ng AFP ay ang 123 Chinese Maritime Militia Vessels, 7 People’s Liberation Army Navy (PLAN), at 26 Chinese Coast Guard (CCG) vessels.
Kaugnay nito, ang mga lugar na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na minamanmanan ng China ay ang Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, Pag-asa Island, Lawak Island, Panata Island, Sabina Shoal, at Iroquis Reef. – AL