
Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 8477 na magtatatag sa Presidential Merit Scholarship Program (PMSP) upang matulungang makapag-aral sa kolehiyo ang mga senior high school (SHS) graduate na nagmula sa poor to middle income households.
Bahagi ito ng priority legislative agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inendorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang permanenteng national scholarship system na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga natatanging SHS graduate na nabibilang sa top one percent ng graduation class at naka-enroll sa mga prayoridad na degree program ng Commission on Higher Education (CHED).
Makatatanggap ng stipends at iba pang education-related allowance ang mga mag-aaral alinsunod sa alituntunin ng CHED.
Sakop din ng libreng matrikula ang mga estudyanteng nasa state universities at colleges sa ilalim ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Bukod dito, makatatanggap ang mga iskolar ng Certificate of Presidential Recognition na may lagda ng Pangulo bilang pagkilala sa kanilang academic achievement.
“At its heart is a clear conviction: that the country must not only recognize excellence among our young people, but also ensure that excellence is given the opportunity to grow and serve the nation,” saad ni Tingog Party-list Representative at Chair of the House Committee on Higher and Technical Education Jude Acidre.
Binigyang-diin ni Acidere na makatutulong ang panukala na tugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga pamilyang pinag-aaral sa kolehiyo ang kanilang mga anak.
Dagdag pa niya, matutugunan nito ang balakid na nililimitahan ang mga kabataang Pilipino sa pagkakaroon ng mga oportunidad para sa kanilang kinabukasan. – IP











