
Muling naitala ang pagtaas ng presyo ng palay sa buong bansa kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang ihinto ang pag-aangkat ng bigas mula Setyembre hanggang Disyembre 2025.
Batay sa datos, unti-unting lumakas ang farmgate prices habang humihigpit ang suplay sa lokal na merkado, na nagbigay ng mas magandang posisyon sa negosasyon para sa mga magsasaka.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nanatiling matatag ang presyo ng palay noong 2023 at lalo pang tumaas sa dry season ng 2023–2024, kung saan umabot sa P22 kada kilo ang presyo ng dry palay at lumampas pa sa P25 kada kilo sa ilang lugar.
Nagbago ang takbo ng merkado nang ibaba sa 15 porsiyento mula 35 porsiyento ang taripa sa inaangkat na bigas noong huling bahagi ng 2024, kung saan nagkaroon ng labis na suplay sa bansa.
Bunsod nito, bumagsak ang farmgate prices noong 2025 at umabot na lamang sa P14 hanggang P16 kada kilo ang palay sa ilang buwan.
Sa monitoring ng National Food Authority (NFA), nagsimula sa P14.43 kada kilo ang bilihan ng mga trader sa fresh palay noong Setyembre, pansamantalang bumaba sa P13.38 pagsapit ng Oktubre 10, bago bahagyang umakyat sa P14.02 kada kilo noong Oktubre 30.
Naging mas malinaw ang pag-angat nito noong Nobyembre hanggang Enero, kung saan mula P14.06 ay umakyat sa P15.58 ang presyo pagsapit ng Disyembre 23, at lalo pang tumaas sa P18.42 kada kilo noong Enero 30.
Gayundin ang presyo ng dry palay na mula P17.67 kada kilo noong Setyembre ay bahagyang bumaba sa P17.21 noong Oktubre, bago tuluyang umakyat sa P21.52 kada kilo noong Enero.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ipinapakita ng pagbangon ng presyo ang epekto ng sobrang pag-aangkat ng bigas sa mga nakaraang taon.
Aniya, umabot sa 4.8 milyong metriko tonelada ang inangkat na bigas noong 2024, na lampas sa tinatayang pangangailangan ng bansa.
Dagdag niya, ang labis na importasyon ay nagpapababa sa presyo ng palay tuwing anihan at nagpapahina sa insentibo ng mga magsasaka na magtanim. – VC











