Naghain ng arrest order ang House Quad Committee ngayong Miyerkules, Setyembre 12, laban kay Police Master Sergeant Arthur “Art” Narsolis na itinuturong sangkot sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Pina-cite in contempt si Narsolis ng komite dahil sa ilang beses na pagsasawalang-bahala sa subpoenas mula sa panel na nag-iimbestiga sa ‘extrajudicial killings’ sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, magtatagal ang detention order kay Narsolis hanggang matapos ang imbestigasyon o maalis ang ipinataw na contempt citation.
Sa isang sworn statement, matatandaang itinuro si Narsolis ng mga inmate na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro na umaming inutusan umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para patayin ang tatlong Chinese nationals sa loob ng kulungan.
Kinilala ang tatlong biktima na sina Chu Kin Tung (aka Tony Lim), Li Lan Yan (aka Jackson Li), at Wong Meng Pin (aka Wang Ming Ping) na pare-parehong lumabag sa drug-related offenses, kabilang ang pagpapatakbo ng drug lab sa Parañaque City. -VC