
Matapos ang insidenteng kinasangkutan ng isang lasing na pulis na sapilitang pumasok sa isang bahay at nanakit umano ng menor de edad, agad na inalis sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen Rommel Marbil si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen Melecio Maddatu Buslig Jr. bilang bahagi ng tinatawag na “command responsibility.”
Ang kontrobersyal na insidente ay naganap pasado hatinggabi nitong Lunes, Abril 21 sa Barangay Damayan, Quezon City, kung saan makikita sa viral video si Police Staff Sergeant Colonel Jordan Marzan habang pinapasok ang isang pribadong tahanan at nanakit pa umano ng isang bata.
Ayon sa PNP, matapos mapanood at beripikahin ang video, agad siyang inaresto ng sarili niyang mga kasamahan, dinisarmahan, at isinailalim sa inquest para sa mga kasong kriminal tulad ng Violation of Domicile at paglabag sa RA 7610, o ang batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa pang-aabuso.
Binigyang-diin ni Marbil na ang ganitong uri ng asal ay hindi kailanman pahihintulutan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“Hindi lang ito simpleng paglabag—ito ay isang paglapastangan sa tiwalang ibinigay sa atin ng taumbayan,” pagbibigay-diin ni Marbil.
“Gusto kong maging malinaw sa lahat: wala tayong palulusutin. Kapag sinaktan mo ang taong dapat mong protektahan, ikaw ay aarestuhin, kakasuhan, at aalisin sa serbisyo. Walang pangalawang pagkakataon. Walang palusot,” dagdag niya.
Kasabay nito, hinimok ng PNP ang publiko na huwag matakot magsumbong ng anumang abuso mula sa hanay ng kapulisan. – VC