IBCTV13
www.ibctv13.com

Quiboloy, posibleng nasa ilalim ng lupa; PNP hindi titigil sa pagtugis sa pastor

JM Pineda
497
Views

[post_view_count]

Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader and Pastor Apollo Quiboloy (Photo by Apollo Quiboloy/FB)

Hinihinala ng Philippine National Police (PNP) na nagtatago lamang sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) lider nitong si Pastor Apollo Quiboloy matapos magreact ng gamit nilang ground penetrating radar sa lugar kung saan tinitingnan din ang posibilidad na nasa ilalim ito ng lupa.

Binigyang-diin naman ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hindi titigil ang mga kapulisan ng Davao sa pagsuyod sa compound upang mahanap si Quiboloy at lima pang kasabwat nito.

Kasabay nito, wala rin aniya silang nilalabag na karapatang-pantao sa paghalughog ng compound at ginagawa lamang nila ang naaayon sa batas.

“As long as hindi po namin nase-serve ‘yung warrant of arrest and we are certain na nandoon po tayo, then we have legal rights na puwede po kaming tumagal doon,” pahayag ng PNP Chief.

Samantala, dalawang tao naman ang na-rescue ng Police Regional Office 11 (PRO 11) sa loob ng KOJC na hinihinalang biktima ng human trafficking matapos dumulog ang kanilang pamilya sa PNP.

“Taga Samar po sila. ‘Yung anak po nila na-recruit para mag-aral po sa Cebu, sabi ng KOJC member hindi po nila alam na dito na dinala sa Davao,” saad ni PNP Chief Marbil.

Matatandaang noong Sabado ng umaga, Agosto 24, nang simulang pasukin ng aabot sa 2,000 kapulisan ang compound ng KOJC para maghain ng warrant of arrest kay Quiboloy – DP/AL

Related Articles