Makasaysayang tagumpay ang naabot ng Department of Tourism (DOT) matapos makapagtala ng ‘record-high revenue’ para sa taong 2024.
Iniulat ni Tourism Secretary Christina Frasco na tumaas ng 9.04% ang kita mula sa inbound tourism expenditures at nalagpasan pa ang pre-pandemic level na 26.75%.
Mula P697.46-bilyon noong 2023 umabot ito sa P760-bilyon nitong nakaraang taon.
“With these figures, it is clear that the Philippine tourism industry is not only bouncing back but also evolving and expanding, contributing significantly to the nation’s economic stability and growth,” mensahe ni Frasco.
“This achievement is not just a statistic; it translates to thousands of jobs created for Filipinos, fostering economic resilience and enabling families to thrive,” dagdag niya.
Sa bilang naman ng mga turista, pumalo sa 5.95-milyon ang dumating na international tourists noong 2024, mas mataas ng 9.15% kumpara noong 2023.
Nanguna sa listahan ng mga bansang pinagmulan ng mga turista ang South Korea na sinundan ng Estados Unidos at Japan.
Kasabay nito, ibinalita ng kalihim ang pagtaas ng bilang ng mga overseas Filipinos na umuwi sa bansa na umabot sa 510,383 o halos 14.15% na pagtaas magmula noong 2023.
Tinawag ni Frasco ang ilang mga hakbangin ng pamahalaan bilang malaking tulong para mas mapalakas pa ang turismo sa bansa.
Kabilang dito ang karagdagang “infrastructure projects, culture conservation and skills development programs for the workforce.”
Bilang bahagi ng adbokasiya ng DOT na “Love the Philippines,” patuloy nilang paiigtingin ang mga programang magdadala ng mas maraming turista sa bansa. – VC