IBCTV13
www.ibctv13.com

Regular training courses ng mga marinong Pilipino sa National Maritime Polytechnic, libre na simula Agosto 3

81
Views

[post_view_count]

The Maritime Industry Authority held its first oath-taking ceremony for new Marine Deck and Engineer Officers into their new official ranks. (Photo courtesy of MARINA)

Inanunsyo ni National Maritime Polytechnic (NMP) Executive Director Victor A. Del Rosario na simula Agosto 3, 2026 ay libre na ang lahat ng umiiral at mga susunod pang regular na training courses ng ahensya para sa mga Pilipinong seafarer.

Ibinahagi ni Del Rosario ang magandang balita kasabay ng pagdiriwang ng Day of the Seafarer ngayong araw, Hunyo 25, na may temang “Carrying World Trade, Carrying the Risk,” bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga marino sa pandaigdigang kalakalan.

Ayon kay Del Rosario, ang libreng training courses ay alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 23, 2024.

Bilang bahagi ng pagpapatupad nito, inaprubahan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mungkahi ng NMP na alisin ang bayarin sa lahat ng regular na kurso nito.

Saklaw ng mga libreng kurso ang Standards of Training, Certification and Watchkeeping (SCTW) full courses, refresher courses, at management-level courses na kinakailangan ng mga marino para sa kanilang operasyon at sertipikasyon.

Samantala, mananatiling may bayad ang mga Professional Development Courses (PDC), ngunit ipatutupad ang mas mababang training fee.

Ayon kay Del Rosario, kasalukuyan nang inihahanda ng ahensya ang implementing guidelines upang matiyak ang maayos at malinaw na pagpapatupad ng programa.

Sa mensahe naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Day of the Seafarer, binigyang-pugay niya ang sakripisyo ng mga tripulanteng Pilipino na buong tapang na hinaharap ang mga hamon sa karagatan.

“I extend my warm greetings to all Filipino seafarers around the world as we celebrate the International Day of seafarer. Every day across the world’s ocean maritime corridors, Filipino seafarers perform vital work that promotes the movement of people and keeps global trade moving and economies connected,” ayon sa Pangulo.

Dagdag niya, sa pamamagitan ng husay at dedikasyon ng mga Pilipinong marino, natitiyak ang ligtas na pagdating ng mga pasahero at mahahalagang kargamento, habang sinusuportahan ang kabuhayan ng milyun-milyong pamilyang Pilipino.

Ang NMP ay nagsisilbing pangunahing training at research center ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng kakayahan at propesyunalismo ng mga Pinoy seafarer. – VC