![](https://ibctv13.com/wp-content/uploads/2025/02/1-2025-02-09T140620.975.png)
Tinuligsa ng ilang lider ng House of Representatives ang kasong kriminal na ihahain laban kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at dalawa pang kongresista na sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at ex-Appropriations panel chief Zaldy Co kaugnay sa ‘insertion’ o pagsingit ng umano’y P241 bilyon sa 2025 national budget.
Binigyang-diin nina Deputy Majority Paolo Ortega at Assistant Majority Leader Jay Khonghun na taktika lamang ito para malihis ang atensyon ng publiko sa kinakaharap na impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
“Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu – ang impeachment trial ni VP Duterte,” saad ni Ortega.
“This is nothing more than a desperate move to discredit the impeachment process. Speaker Romualdez has been instrumental in ensuring that the rule of law is followed, and now he is being targeted to weaken the case against VP Duterte,” buwelta naman ni Khonghun.
Nitong Sabado lang nang inanunsyo ng non-government organization na Citizens Crime Watch kasama sina ex-House Speaker Bebot Alvarez at PDP senatorial bet Jimmy Bondoc na magsasampa sila ng kaso laban kay Romualdez at dalawa pang iba.
“Napaka-timing naman ng mga issue na ito. Nang maipadala na sa Senado ang impeachment complaint, biglang may ganitong aksyon laban kay Speaker Romualdez. Malinaw na diversionary tactic ito,” pagbibigay-diin ni Khonghun.
Matatandaang 80% ng Kamara o katumbas ng 240 mga mambabatas ang sumuporta sa ikaapat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente.