
Hindi napigilan ni House Quad Committee Lead Chairman Rep. Robert Ace Barbers na matawa nang malamang patuloy na iginigiit ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na siya ay biktima ng pamumulitika at panggigipit ng komite.
Ito ang dahilan ni Roque sa pag-apply ng asylum sa Netherlands, na itinuturing ni Barbers na paraan lamang upang makatakas ito sa kanyang mga pananagutan sa Pilipinas.
Ayon pa sa mambabatas, si Roque ay iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng qualified trafficking at pagkakadawit sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Lucky South 99 na ni-raid noong 2024.
“Eh ang totoo naman why he’s running away dahil ayaw niyang ibigay ang hinihinging documents sa kanya dahil mabubuking siya, yung involvement sa illegal POGO at pag-aabogado niya sa illegal na gawain ng Chinese syndicates,” ani Barbers.
“Kung siya ay walang kinalaman o hindi guilty, eh bakit siya nagtatago,” dagdag niya.
Samantala, iginiit ng Makabayan Bloc ang malaking pananagutan ni Roque sa isinagawang kilos-protesta ng ilang Duterte supporters sa Qatar, na kalauna’y nauwi sa kanilang pagkaka-aresto. – DP/VC