Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy sa kanyang administrasyon ang legasiya ng kanyang yumaong ama at dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. pagdating sa reporma sa lupa.
Sa kanyang talumpati ngayong Huwebes, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang pangarap ng kanyang ama noon na mabigyan ng sariling lupa ang mga magsasaka na nagtatrabaho nang masigasig para mabigyan ng pagkain ang mga Pilipino.
“Panahon pa ng aking ama noong nagsimula ang reporma sa lupa,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
“Nais niyang mapag-arian ng mga magsasaka ang lupang kanilang pinagtatrabahuhan,” dagdag niya.
Napansin ng Pangulo na hindi nasolusyunan ng mga nakaraang administrasyon ang mga suliranin ng mga magsasaka. Dahil dito, ginawang prayoridad ng kanyang gobyerno ang pagkakaloob ng mga Certificates of Land Ownership Award (CLOA) at ang pagpapawalang-bisa sa kanilang utang sa amortisayon ng lupa at kaakibat na mga bayarin.
Hinikayat din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga benepisyaryo na gamitin ang kanilang natipid mula sa pagbabayad ng utang para sa iba pang pangangailangan at pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
“Ang inyong naipon na ipambabayad sana sa mga ito, maaari ninyo nang gamitin sa ibang pangangailangan. Maaari na pong gamitin ito sa mga bagong kagamitan upang mas dumami pa ang ani at mas mapataas pa ang kalidad ng inyong kabuhayan,” saad ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng isinusulong na Bagong Pilipinas, nangako ang Pangulo ng mas magandang kinabukasan, matatag na agrikultura, at mas maunlad na ekonomiya.
“Sa Bagong Pilipinas po ang pangarap natin—na sama-sama nating aabutin—ang magkaroon ng mas magandang kinabukasan, matatag na agrikultura, at mas maunlad na ekonomiya,” saad ng Pangulo. – VC