IBCTV13
www.ibctv13.com

Resupply mission ng Pilipinas sa WPS, muling sinubukang harangin ng China – BFAR

Ivy Padilla
274
Views

[post_view_count]

China Coast Guard deployed water cannon against BFAR’s BRP Datu
Sanday during its resupply mission in the West Philippine Sea on Sunday, August 25. (Courtesy to PTV)

Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pinakabagong mapanganib at marahas na aksyon ng China Coast Guards (CCG) sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Sanday (MMOV 3002) ngayong Linggo, Agosto 25.

Sa isang pahayag, iniulat ng NTF-WPS na pinalibutan at hinarang ng isang People’s Liberation Army Navy (PLAN) ship at ilang CCG ships ang BRP Datu Sanday sa kalagitnaan ng resupply mission nito para sa mga Pilipinong mangingisda mula Hasa-Hasa Shoal hanggang Escoda Shoal.

Hindi rito natapos ang panggigipit ng China dahil binunggo at ginamitan din nila ng malakas na water cannon ang barko ng Pilipinas na naging dahilan ng pagkasira ng makina at pagkaantala ng buong operasyon.

“Despite these provocative maneuvers, the crew aboard the BFAR maintains high morale and remains safe and unharmed,” pagtitiyak ng task force.

Pinasinungalingan din ng NTF-WPS ang kumakalat na balitang isang Filipino personnel umano ang nalaglag sa barko at sinagip ng CCG.

“This fake news and misinformation serves as a clear illustration of the PRC’s willingness to distort the truth and engage in disinformation to bolster its public image,” pagbibigay-diin ng NTF-WPS.

Muling nanawagan ang NTF-WPS sa China na itigil na ang mga agresibong aksyon dahil nilalagay lamang sa panganib ang buhay ng mga Pilipinong tropa at mangingisda sa WPS.

“The Philippine government calls on the People’s Republic of China to halt these provocative actions that destabilize regional peace and security,” panawagan ng NTF-WPS. -VC

Related Articles