
Inaasahang daragsa ang bilang ng mga turista mula Russia na bumibisita sa Pilipinas kasunod ng kahilingan ng ilang Russian airlines na maglunsad ng direktang byahe patungo sa iba’t ibang tourist destination sa Pilipinas.
Sa panayam kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ibinahagi ni Philippine Ambassador to Russia Igor Garlit Bailen ang pagpapahayag ng interes ng mga turistang Ruso sa ilang destinasyon sa bansa.
“Alam n’yo ang Boracay, alam n’yo ang El Nido. So, interesado sila (Russian tourists),” saad ni Bailen.
Ayon sa ambassador, naghihintay na lamang ng progreso ang S7 Siberian Airlines mula sa Civil Aeronautics Board of the Philippines kaugnay ng isinumiteng aplikasyon para sa direct flights mula Irkutsk, Vladivostok, at Khabarovsk sa Siberia patungong Manila at Cebu.
Samantala, sinabi ni Bailen na nagsimula na noong 2025 ang Russian airline na IrAero ng chartered flights patungong Kalibo, Aklan mula sa mga lungsod ng Irkutsk at Khabarovsk sa silangang bahagi ng Siberia.
Kumpiyansa rin ang ambassador na mas maraming Russian nationals ang bibisita sa Pilipinas at mararanasan ang sikat na hospitality ng mga Pilipino, kasabay ng pagpapalawak ng bansa ng mga pinagmumulan ng dayuhang bisita bukod sa South Korea, China, at Estados Unidos.
“So iyan ay dine-develop pa natin so that in terms of economic relationship, tourism is a very important part of the economic relationship and there is great potential, aside from the traditional exports, imports of oil, energy, and food,” dagdag ni Bailen. – VC











