IBCTV13
www.ibctv13.com

Sa halip na umapela sa mga awtoridad ng Qatar, dapat mag-alok ng legal aid si Roque sa mga OFW na inaresto – Chairman Acidre

Divine Paguntalan
140
Views

[post_view_count]

House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre (left) and former presidential spokesperson Atty. Harry Roque (right) (Photo from HOR; PNA)

Hinimok ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na magbigay ng legal assistance sa overseas Filipino workers (OFWs) na inaresto sa Qatar sa halip na umapela sa mga awtoridad.

Para kay Acidre, dapat gamitin ni Roque ang kanyang kasanayan bilang international lawyer upang mabigyan ng legal assistance gayundin ng tulong-pinansyal ang mga nahuling Pilipino.

“Habang abalang-abala ang administrasyong Marcos sa pagtulong sa ating mga kababayang Pilipino na nahuli sa Qatar, mas mainam siguro na gamitin ni Atty. Harry Roque ang kanyang kakayahan bilang isang international lawyer para tulungan ang ating mga kababayang OFW sa Qatar sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na tulong o kaya’y pagkalap ng financial support para sa kanila,” saad ni Acidre. 

Nanindigan si Acidre na walang legal na basehan ang apela ni Roque sa Qatar dahil hindi na siya opisyal na kinatawan ng pamahalaan.

Sa katunayan, si Roque ay itinuturing na bilang pugante dahil sa nakasampang contempt laban sa kanya mula sa Kamara, kaugnay sa iligal na POGO operations ayon kay Acidre.

Samantala, hinimok ng mambabatas ang dating presidential spokesperson na gamitin ang kanyang koneksyon upang makalikom ng pondo para sa kinakaharap na malaking gastusin sa legal fees ng mga Pilipinong nakakulong.

Matatandaang naaresto ang 17 OFWs sa Qatar matapos magsagawa ng kilos-protesta bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Nakapagpadala na ng mga kinatawan ang Philippine Embassy sa Qatar upang tiyakin ang kapakanan ng mga naarestong Pilipino. – VC