Mas payapa at ligtas ang naging pagsalubong ng Pilipinas sa Bagong Taon ngayong 2025 kumpara sa mga nakaraang taon, batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Tinawag ni PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo na “generally peaceful” ang pagdiriwang ng salubong sa kabila ng ilang naiulat na insidente:
• 1,360 kaso ng iligal na paggamit at pagbebenta ng paputok.
• Nasamsam ang 593,094 piraso ng paputok na nagkakahalaga ng mahigit P3.9 milyon.
• 73 katao ang inaresto kaugnay ng iligal na paputok.
May naitalang 27 kaso naman ng indiscriminate firing ngunit mas kaunti ang mga nasugatan kung saan may limang (5) injury ngayong taon kumpara sa pitong (7) injury noong salubong 2024.
Positibong balita naman ang hatid ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay ng mga insidente ng sunog kung saan isa lamang ang opisyal na naitala sa Metro Manila nitong Enero 1, malayo sa 54 insidente noong nakaraang pagdiriwang ng New Year’s Day. – VC