IBCTV13
www.ibctv13.com

San Juan Mayor Zamora, nagsampa ng kaso vs. city pound

Alyssa Luciano
193
Views

[post_view_count]

Dogs and cats were left locked in their cages at San Juan City Pound during the onslaught of typhoon Carina in several parts of the National Capital Region. (Photo by Artikulo Siete)

Matapos mag-viral dahil sa naging kapabayaan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Carina noong Hulyo na ikinasawi ng ilang mga aso at pusa, tuluyan nang sinuspinde ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang operasyon ng kanilang city pound kasabay ng pagsasampa ng kaso laban sa tatlo nitong empleyado.

Sa inilabas na pahayag ni Zamora, ipinabatid nito sa publiko na agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang City Legal Department na siya ring nagrekomenda para sa pagpapataw ng formal charge laban sa City Veterinarian na isinailalim na sa preventive suspension upang hindi makagambala sa imbestigasyon.

Samantala, kinasuhan din ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang tatlo pang mga permanenteng empleyado ng City Pound, habang ang isa naman nitong job order employee ay tuluyan nang sinibak.

Matatandaan noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina, nag-viral sa Facebook ang post ng isang concerned citizen kung saan nakita ang lagay ng mga aso at pusa na iniwang nakakulong habang tumataas ang baha sa pound.

Dahil dito, hinimok ng mga netizen ang lokal na pamahalaan ng San Juan City upang agad na aksyunan ang kapabayaan ng naturang pound.

“A public office is a public trust and a heavier responsibility weighs upon our Local Government Units who manage pounds and animal facilities. An LGU pound should serve as a model of a humane animal facility in their area and must be compliant with the Animal Welfare Act,” saad ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa kanilang pahayag.

Bilang tugon, tiniyak ni Zamora na nagsasagawa na rin ng aksyon ang kanilang lokal na pamahalaan upang mailipat sa mas ligtas na lugar ang pound para sa mga aso at pusa.

“These decisive actions reflect Makabagong San Juan’s unwavering commitment to transparency, accountability, and the well-being of all its residents,” ani Zamora. -VC

Related Articles