
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ginanap na ika-siyam na pagpupulong ng Philippine Space Council (PSC) nitong Martes, Hunyo 2, kung saan tinalakay ang ilang mahahalagang hakbang upang palakasin ang kakayahan ng bansa sa larangan ng space science and technology.
Sa pagpupulong, iniulat ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa Pangulo ang progreso ng Multispectral Unit for Land Assessment o MULA satellite, na nakatakdang ilunsad sa Abril 2027 at inaasahang makakatulong sa disaster management, agricultural monitoring, at environmental mapping.
Nirepaso naman ng konseho, sa pangunguna ng Pangulo, ang mga pinakabagong pag-unlad sa sektor ng kalawakan ng Pilipinas, kabilang ang mga kasalukuyang satellite program, mga proyektong pang-imprastraktura, at mga hakbang upang mapalawak ang paggamit ng space-based data sa operasyon ng pamahalaan.
Inaprubahan din ng PSC ang isang resolusyon na nagdedeklara sa panukalang MULA Constellation Program bilang isang pambansang prayoridad, na naglalayong palawakin ang kakayahan para sa “sovereign Earth observation” ng bansa, sa pamamagitan ng mga satellite na binuo sa loob ng bansa.
Samantala, pinagtibay naman ng konseho ang pagtatatag ng Philippine Sovereign Geostationary Telecommunications Satellite Program, na naglalayong magbigay ng ligtas at maaasahang serbisyong pang-komunikasyon sa ilalim ng kontrol ng Pilipinas.
Makatutulong ang planong satellite system sa pagtugon sa kakulangan ng koneksyon sa mga liblib na lugar, pagpapalakas ng disaster resilience, at pagsuporta sa mga kritikal na misyon ng pamahalaan.
Aprubado rin ang resolusyon na naglalayong pag-isahin ang mga pangangailangan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno pagdating sa sa satellite data, upang mapabuti ang pagpaplano, pag-monitor hanggang sa pagpapasya, habang nababawasan ang pagdoble ng mga resources.
Sa pagtugon sa mga insidenteng may kinalaman sa space debris at pagbagsak ng mga bahagi ng rocket sa loob ng teritoryo at karagatang sakop ng Pilipinas, pinagtibay ang pambansang Orbital Debris Response Protocol na magsisilbing gabay sa mga ahensya ng gobyerno.
Ibinahagi rin sa pagpupulong ang planong magsagawa ng sounding rocket test launch sa Lal-lo, Cagayan mula Disyembre 2026 hanggang Pebrero 2027, upang mapaunlad ang kakayahan ng bansa sa sariling paglulunsad ng kagamitang pangkalawakan. – VC











