Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangan ng Pilipinas sa ‘science-based innovations’ para sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.
Binigyang-diin ng punong ehekutibo na mahalagang mapabuti ang disaster risk reduction at response system ng bansa sa ginanap na 24th Gawad KALASAG National Awarding Ceremony ngayong Biyernes, Disyembre 13.
“It has become imperative that our DRRM system undergoes continuous improvement to address evolving circumstances. It includes our individual obligation to follow proactive, vigilant, and adaptable strategies for our own and our communities’ safety,” ani Pangulo.
Nanawagan ang lider sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), iba pang concerned agencies at local government units (LGUs) na ipagpatuloy ang pagtutulungan tungo sa mga inobasyon.
“Continue working together to develop innovative solutions that are science-based, that are sustainable, and are future-ready, and establish clear guidelines for more effective disaster-response,” saad ng Pangulo.
Ayon sa punong ehekutibo, ang inisyatiba sa disaster response ay dapat nakasunod sa “Build Back Better” strategy na recovery, rehabilitation, at reconstruction.
Pinangunahan ng Pangulo ang pagbibigay ng Gawad Kalasag Seal at Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) at Humanitarian Assistance kung saan kinilala ang iba’t ibang mga stakeholder na nagpapatupad at nagsusulong ng DRRM, change adaptation, at humanitarian assistance programs.- AL