Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang mas pinalakas na mga hakbang para masiguro ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno sa darating na Enero 9.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan, religious groups at iba pang ahensya upang maging maayos ang gaganaping traslacion.
“Traslacion is a profound expression of faith and devotion. The PNP is fully committed to safeguarding every devotee, dedicating all necessary resources to ensure peace and order during this sacred occasion,” ani Marbil.
Nakatakdang magpakalat ang PNP ng libu-libong mga police personnel sa kahabaan ng mga procession route, gayundin sa mga mataong lugar.
Tututukan naman ng specialized unit ng ahensya ang crowd control habang mahigipit na babantayan ng Intelligence Group at Anti-Cybercrime Group ang mga posibleng banta sa seguridad ng mga deboto.
Tiniyak din ng PNP na mayroong ipakakalat na medical teams at quick-response units na aalalay sa mga indibidwal na mangangailangan ng atensyong medikal.
Kasabay nito ay nanawagan si Chief Gen. Marbil sa publiko na sumunod sa mga security protocols at huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa traslacion.
“We call on devotees to cooperate with security measures, report suspicious activities and prioritize safety. Your vigilance is vital to the success of this event,” panawagan ni Marbil.