Ibinida ng Department of Tourism (DOT) ang tagumpay na pag-unlad ng sektor ng turismo noong nakaraang taon, na iniuugnay sa mga reporma at pangunahing programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, mas tumaas ang kita ng bansa mula sa mga dayuhang turista nitong 2024 kumpara noong 2023, lampas din sa mga datos noong pre-pandemic o taong 2019.
“Therefore, beyond quantity, we are attracting quality, yielding more revenues for our stakeholders, (and) more jobs for our people. And as we have focused on elevating the quality of tourism in the Philippines and diversifying our tourism products, tourists are staying longer in the Philippines,” saad ni Sec. Frasco.
Lumalabas sa datos na mula sa average na siyam na gabi noong 2019, ngayon ay higit 11 gabi na ang karaniwang pananatili ng mga turista sa bansa.
“Data would show that 70 percent of tourists coming to the country are repeat visitors. Truly, our tourists have come to love the Philippines with a higher spend, longer stay and repeat visits,” ani Frasco.
Mula Enero hanggang Disyembre 15, 2024, bumawi ang international visitor receipts sa P712 bilyon o 119% na mas mataas mula sa P600 bilyon noong 2019.
Dumami naman ang mga Pilipinong nabigyan ng trabaho sa sektor ng turismo batay sa Labor Force Survey noong Abril 2024 o katumbas ng 16.4 milyong manggagawa, kumakatawan ito sa 34% ng kabuuang employment sa first quarter.
“These figures highlight the pivotal role of tourism in generating livelihoods and uplifting communities nationwide and certainly show the impact of Philippine tourism in terms of job generation,” ani Sec. Frasco.
“The Department of Tourism remains steadfast in its mission to generate quality employment opportunities for Filipinos across the country,” dagdag niya.
Noong 2023, kinilala ang Pilipinas bilang “the largest domestic tourism market in Southeast Asia” dahil sa magandang performance nito sa nakaraang dalawang taon.
Pinasalamatan ng World Travel and Tourism Council (WTTC) ang domestic tourism industry ng Pilipinas para sa ipinamalas na “strength and resilience” kasunod ng COVID-19 pandemic.
Pinuri rin ni Frasco ang bagong batas ukol sa value-added tax (VAT) refund mechanism para sa mga dayuhang turista na isang hakbang upang higit pang isulong ang bansa bilang pangunahing destinasyon para sa turismo.
Sa ilalim ng bagong batas na ito o ang Republic Act 12079, maaring mag-claim ang mga turista ng refund para sa mga biniling produkto mula sa accredited stores na nagkakahalaga ng P3,000, basta’t mailabas ito sa bansa sa loob ng 60 araw mula nang bilhin.
Sa kabila ng maraming pagsubok o “headwinds” na kinaharap ng sektor, nanindigan si Frasco na hindi ito naging hadlang upang mapakamit ang pag-unlad.
Binigyang-diin ng kalihim na handa ang Pilipinas na makipagsabayan sa pandaigdigang pamantayan habang sinusuportahan ang lokal na komunidad at negosyo. – VC