IBCTV13
www.ibctv13.com

Sen. Cynthia Villar, tatakbong kongresista ng Las Piñas sa 2025 elections

Ivy Padilla
423
Views

[post_view_count]

Senator Cynthia Villar of the 19th Congress. (Photo by Senate of the Philippines/File)

Inanunsyo ni Senator Cynthia Villar ang planong tumakbo bilang Congresswoman ng Las Piñas City sa darating na 2025 elections kasunod ng nalalapit na pagtatapos ng kanyang ikalawang termino sa Senado.

Sa isang exclusive interview sa Ang Senado ng Pilipinas kasama si Catherine Vilar, tiniyak ni Sen. Villar na hindi matatapos ang kanyang mga isinusulong na adbokasiya sa Senado.

Kasabay ng kanyang kandidatura bilang kongresista sa midterm elections, tatakbo naman bilang senador ang bunsong anak na si Las Piñas Lone District Representative Camille Villar.

Ayon kay Sen. Villar, planong ipagpatuloy ng kongresista ang nasimulan niya sa Senado kabilang ang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda, gayundin ang pangangalaga sa kalikasan na kanya mismong tinutukan sa mga nagdaang taon.

“Maybe she can continue that,” saad ng senadora.

Si Rep. Villar ay kasalukuyang nasa ikalawang termino bilang Congresswoman ng Las Piñas at House of Representatives Deputy Speaker ng 19th Congress.

May isa pa sanang termino ang kongresista ngunit mas piniling sundan ang yapak ng kanyang ina sa senado.

Samantala, magpapatuloy naman sa ikalawang termino si Senator Mark Villar na nakatakdang muling tumakbo sa taong 2028.

Nilinaw ni Sen. Villar na napag-usapan at napagkasunduan ng buong pamilya ang bawat napiling posisyon sa nalalapit na halalan.

Bagama’t hindi pa nagsisimula ang senatorial race ni Rep. Villar, may maagang payo na ang ina para sa kanya.

“Pag senator ka, mayroon kang advocacy. Focus ka doon para makita ng tao what you have done for them. Kasi kung lahat [pinakikialaman] mo, walang marerember sayo,” payo ng senadora.

“So, dapat may focus ka on what you want to do for people,” dagdag niya.

Sakaling manalo si Rep. Camille Villar, siya na ang ikaapat na miyembro ng pamilyang Villar na nagkaroon ng pwesto sa senado.

Matatandaang naging miyembro rin ng Senado ang head ng Villar family na si Filipino businessman at former politician Manny Villar mula 2001-2013 at naluklok naman bilang 20th Senate President mula 2006-2008. -VC

Related Articles