
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros ng agarang imbestigasyon sa Senado kaugnay sa mga umano’y hindi patas na kasunduan sa pagitan ng mga water district at mga pribadong kumpanya na namamahala sa suplay ng tubig.
Kasunod ito ng mga umugong na reklamo sa paulit-ulit na kawalan ng suplay ng tubig ng kumpanyang PrimeWater.
“No one is too big to be investigated. Kailangan nang silipin ang mga water concessionaires na ito dahil masyadong maraming kababayan natin ang uhaw na uhaw na sa maayos naserbisyo mula sa kanila lalo na ngayong tag-init,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.
Sa proposed Senate Resolution No. 1352, hiniling ng senador sa Senate Committee on Public Services na silipin ang mga joint venture agreement sa pagitan ng mga water district at water provider companies.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), ilan sa mga kasunduang ito ay hindi malinaw, masyadong komplikado, at tila pabor sa pribadong sektor kaysa sa interes ng publiko.
Dagdag pa niya, labindalawang water district na ang nagbabalak umanong tapusin ang kanilang kasunduan sa mga pribadong partner dahil sa hindi magandang serbisyo, mataas na singil, at kakulangan sa tubig.
Sa gitna ng mas umiinit na panahon na nagdudulot ng tagtuyot, sinabi ni Hontiveros na panahon na para tiyakin ang patas, malinaw, at makataong kasunduan pagdating sa serbisyo ng tubig.
“Reklamo ng mga kababayan natin, sinisingil pa rin daw sila kahit halos walang tubig ang dumadaloy sa kanilang gripo,” saad ng senador.
Panahon nang singilin naman natin ang mga water concessionaires at iba pang ahensyang dapat nagbibigay ng walang-patid na serbisyo,” dagdag niya. – VC