Naghain ng resolusyon si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na naghihimok sa Senado na magsagawa ng inquiry sa backlog ng National Identification (ID) card, para masuri ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act.
Kabilang sa sisiyasitin sa inquiry ang ilang pagkaantala sa pag-iisyu ng Philippine Identification (PhilID) cards.
Binigyang-diin ni Pimentel na kinakailangang magsagawa ng catch-up plan para resolbahin ang backlog sa National ID.
“Republic Act No. 11055, also known as the ”Philippine Identification System Act was enacted to establish a single national identification system referred to as the Philippine Identification System (Philsys) aimed at promoting efficient, transparent, and seamless delivery of public services, as well as to enhance administrative governance and financial inclusion,” nakasaad sa resolusyon ni Pimentel.
Nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) noong Agosto 2 ng mahigit 89 milyong registrations sa ilalim ng PhilSys system.
Sa huling datos, humigit kumulang 53 milyong physical PhilID pa lamang ang naipamahagi sa mga Pilipino na ayon kay Pimentel ay dahil sa limitadong pasilidad sa pag-imprenta nito.
Matatandaang winakasan ng Monetary Board ang kontrata sa pagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at AllCard Inc. (ACI) para sa pagsusuplay at paghahatid ng 116 milyong PhillD cards dahil sa ‘di umano’y kabiguan na makamit ng supplier ang mga obligasyon nito.
Dahil dito, pinangangambahan ngayon ni Pimentel ang pagpapatuloy ng implementasyon ng RA No. 11055.
Nakasaad din sa resolusyon na kanyang ipinasa ang agarang pagkakaroon ng karagdagang stringent standards upang masiguro na ang mga mapipiling contractor ay may sapat na kakayahan, kapasidad, reliability at magandang track record.
Aniya, kailangan malaman ang puno’t dulo ng problema upang maiwasan ang anumang pagkaantala. -VC