
Opisyal nang nanumpa bilang bagong Senate President si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian matapos ihalal ng bagong Senate Majority sa First Special Session sa Senado sa ilalim ng 20th Congress ngayong Miyerkules, Hunyo 17.
Kasunod ito ng pagdalo ni Senator Joel Villanueva bilang ika-13 senador at kalauna’y pagdedeklara ng quorum sa plenaryo.
Pinangunahan ni Senator Juan Miguel Zubiri ang eleksyon kung saan mabilis ding isinara ang nominasyon at inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang pagkakatalaga kay Gatchalian.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Zubiri ang naging karera sa pulitika ng bagong Senate President kabilang ang pagiging alkalde nito sa Valenzuela City, miyembro ng Kamara, senador, at chairperson ng mga pangunahing komite tulad ng energy, finance, economic affairs, at basic education.
“I have every confidence that as Senate President, you will be able to set the institution back on the right path, guided by the highest standards of service, integrity, and morality,” saad ni Zubiri.
Samantala, itinalaga naman si Senator Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President Pro Tempore, habang iniluklok na bagong Senate Majority Leader si Senator Zubiri.
Matatandaan nitong Lunes, Hunyo 15, nagpatawag ng Special Session sa Kongreso si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Proclamation No. 1318, para sa pagpapabilis ng social protection measures sa gitna ng energy emergency at mga nagdaang kalamidad.
Ilang oras bago ang sesyon sa Senado, nauna nang ipinahayag ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na hindi ito hahadlang sa oras na may sapat nang numero ang mga kasamahang senador para makapagluklok ng bagong lider. – IP











