![](https://ibctv13.com/wp-content/uploads/2025/02/STANDARD-PHOTO-3.png)
Posibleng magbitiw sa pwesto si Vice President Sara Duterte bago matapos ang kanyang impeachment trial, iginiit ng dalawang lider ng Kamara ang obligasyon ng Senado na pagdesisyunan ang tuluyang pagbabawal sa kanya na tumakbo muli sa anumang pampublikong posisyon.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution team, may dalawang pangunahing parusa sa impeachment complaint laban kay Duterte: pagpapatalsik sa pwesto at diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong tungkulin.
Kahit magbitiw, sinabi ni Rep. Chua na hindi nito awtomatikong mareresolba ang isyu ng diskwalipikasyon.
“Dahil ang pagre-resign niya, ang nareresolba lang nito, ‘yung removal. Pero hindi po nade-desisiyonan yung isa pong hinihingi po naming relief which is ‘yung disqualification,” ani mambabatas.
Sinang-ayunan ito ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre at sinabing obligado ang Senado na ipagpatuloy ang paglilitis dahil ito ay isang prosesong nakasaad at itinakda ng Konstitusyon.
“Hindi naman ito usapin na pwedeng ipagsawalang bahala na lang kasi ito po ay hindi lang usapin ng mga politiko… Ito po’y usapin ng pananagutan sa bayan,” ani Acidre.
Samantala, binatikos ni Acidre ang kamakailang press conference ng Bise Presidente, na ayon sa kanya, ay malinaw na tangkang paglihis sa usapin ng impeachment.
“Halatang gusting ipakita na hindi siya apektado, pero ang totoo, sinusubukang i-downplay ang isyu,” dagdag niya. – VC