Masayang ibinalita ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na may kabuuang 108 panukalang batas na naipasa ang Senado kung saan mula rito, 72 ang umabot sa Office of the President at tuluyan nang nalagdaan.
Sa kalagitnaan ng ikatlong regular na sesyon ng 19th Congress, ibinida ni Senate President Escudero na ang magandang performance ng Senado ay bahagi ng kanilang pagsisikap na suportahan ang mga plano ng administrasyon para sa pag-unlad at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
“We maximized each session day and leveraged every hour, minute and second on the Senate floor. We passed 108 bills in total. Of these, 72 reached the President’s desk and were signed into law, including 11 LEDAC priority measures,” saad ni Escudero.
Pinuri ni Escudero ang mabusising pagdinig at imbestigasyon ng iba’t ibang komite ng Senado, mga kasamahan niya sa Kongreso at iba pang empleyado na nagsumikap upang umusad ang mahahalagang mga batas.
“Our hearings, probes and exposés did not merely serve dinner-table gossip for the people’s entertainment. These brought to the table a bounty of bills that will fill plates, sustain families and nourish Filipinos for generations to come,” paglilinaw ni Escudero.
“Nais kong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat sa ngalan hindi lamang ng ibang empleyado’t senador, kundi sa ngalan ng sambayanan. Alam ko po na marami tayong oras na ginugol at trabahong nagawa para at alang-alang sa ating bansa at mga kababayan. At sana po ito’y hindi makalimutan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Mula Hulyo 23 hanggang Disyembre 18, ang Senado ay nakapagpasa ng pinakamaraming batas sa kasaysayan ng 19th Congress.
Sa unang sesyon mula Hulyo 25, 2022 hanggang Hunyo 2, 2024, mayroong 19 na batas na naipasa ang kapulungan ng Kongreso habang umabot naman sa 54 sa ikalawang sesyon mula Hulyo 24, 2023 hanggang Mayo 24, 2024.
Sa kabila ng mga hamon tulad ng bagyo at pampublikong opinyon, nanatiling matatag ang Senado. Pangako ni Escudero, ipagpapatuloy ang pagpapasa ng mga panukalang batas pagkatapos ng Christmas break ng Senado.
Sa nalalapit na 2025 midterm elections, inaasahang magiging mas aktibo pa ang Senado sa pagpasa ng mga batas na pakikinabangan ng mga mamamayan. – VC