Pormal nang ipinakilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang labindalawang (12) senatorial aspirants na ini-endorso ng kanyang administrasyon para darating na 2025 midterm election sa ginanap na ‘Alyansa Para sa Bagong Pilipinas’ Convention 2024 ngayong Huwebes, Setyembre 26.
Unang-una sa hanay si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na bago maging kalihim ay mayroon nang mahabang karanasan sa paglilingkod bilang alkalde sa Mandaluyong City.
Sinundan ito ni Makati Mayor Abby Binay na patuloy nagsusulong ng maraming pagbabago sa kanyang pinagsisilbihang lungsod.
Ipinakilala rin ni Pangulong Marcos Jr. ang mga tatakbo para sa re-election na sina incumbent Sen. Pia Cayetano, Sen. Bong Revilla, Sen. Lito Lapid, Sen. Francis Tolentino at kapatid na si Sen. Imee Marcos na bigong makadalo sa pagtitipon.
Mula naman sa House of Representatives, tatakbo sa senatorial spot sina Las Pinas City Rep. Camille Villar at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo.
Samantala, susubok din para sa kani-kanilang senate-comeback sina former Senator Manny Pacquiao, former Senator Ping Lacson, at former Senate President Tito Sotto.
Binigyang-diin ng Pangulo na patunay lamang ang ipinakilalang alyansa na maaaring magkaisa ang mga pulitiko at opisyal ng pamahalaan mula sa iba’t ibang partido para sa pagsulong ng isang ‘Bagong Pilipinas’.
“Sa kanilang kalidad at karanasan, mataas ang aking kumpiyansa na sila ay ating magiging katuwang sa ating pagsulong at sa patuloy na pag-unlad ng ating bansa” saad ni Pangulong Marcos Jr. -VC