IBCTV13
www.ibctv13.com

Serbisyo ng Primewater, pinaiimbestigahan ng Zambales solon

Hecyl Brojan
116
Views

[post_view_count]

Photo from House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun’s Facebook page (Right); Vatican News (Left)

Nanawagan ng imbestigasyon sa Kongreso si House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun sa umano’y mahinang serbisyo ng PrimeWater Infrastructure Corp. na iniinda ng maraming konsyumer sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa isang pahayag, binigyan-diin ng mambabatas na bigo pa rin ang kumpanya na ayusin ang serbisyo nito sa kabila ng mahabang panahong ibinigay dito.

“PRIMEWATER. We have given you enough time to improve your services. Sabi nyo last meeting pandemic is the reason kaya may backlog kayo sa development,” ani Khonghun.

Bunsod ng sunud-sunod na reklamo ng mga residente sa Subic, tulad ng hindi regular na suplay ng tubig, mabagal na serbisyo, at hindi natutupad na mga pangako, iginiit ni Khonghun na may pananagutan ang PrimeWater, pagmamay-ari ng mga Villar, sa mga mamamayan. 

“Although you are not under the LGU of Subic, PrimeWater may responsibility kayo sa tao pero now sobra na,” dagdag niya.

Pinaplano naman ni Khonghun na maghain ng resolusyon upang maglunsad ng komprehensibong congressional investigation sa operasyon ng PrimeWater sa buong Pilipinas sa pagbubukas ng sesyon.

Ito ay upang bigyang-hustisya ang mga mamimiling patuloy na pinahihirapan ng mabagal at hindi maayos na serbisyo. – VC