Makararanas ng mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay may malakas na pag-ulan ang Metro Manila, gayundin ang central at southern parts ng Luzon kabilang ang Laguna, Rizal, Cavite, Bulacan at Quezon bunsod ng Shearline, batay sa 8:00 a.m. rainfall advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Disyembre 28.
Sa 4:00 a.m. weather forecast, nakitang magdudulot din ang Shearline ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa silangang bahagi ng Northern Luzon kabilang ang Mainland Cagayan, Apayao, Isabela, at Aurora.
Hinihikayat ang mga residente sa mga nasabing lugar na mag-ingat sa banta ng baha o pagguho ng lupa.
Patuloy namang iiral ang Northeast Monsoon o Amihan na magdadala ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan sa Northern Luzon.
Ayon pa sa PAGASA, asahan ang malamig na panahon dulot ng Amihan hanggang sa pagtatapos ng taon.
Samantala, makarararanas din ng mga pag-ulan ang Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, at malaking bahagi ng Mindanao dahil naman sa Inter-tropical Convergence Zone (ITCZ).
Inaabisuhan ang publiko na maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.