Iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na nahuli ng Indonesian authorities ang kapatid ni Alice Guo na si Sheila Guo at businesswoman na si Cassandra Li Ong na kapwa sangkot umano sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.
Sa isinagawang operasyon, naharang ang dalawa habang palabas ng Indonesia bandang 6:45 a.m. nitong Miyerkules, Agosto 21.
Matatandaang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakalabas ng Pilipinas si Alice Guo at mga kasamahan nito noon pang Hulyo 18.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Senadora Risa Hontiveros sa mga opisyal ng Indonesia para sa mabilis na aksyon upang mahuli ang dalawang indibidwal lalo na si Ong.
“Mahigpit na binantayan si Cassandra Li Ong dahil sya ang makakapagbigay-linaw at makakapagturo ng mga ng dapat managot sa mga totoong nasa likod ng POGO na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga,” saad ni Hontiveros.
Umaasa ang Senadora na dadalo ang mga nahuling indibidwal sa pagdinig sa Senado kasunod ng balita ng Department of Justice (DOJ) na nasa biyahe na ang dalawa pabalik ng bansa at inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mamayang 4:30 p.m.
“Mananagot sila sa pag-iwas nila sa Senado,” matapang na saad ni Hontiveros.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, Agosto 22, inihayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na posibleng ma-detain ang dalawa sa Senado kung saan agad aarestuhin ang kapatid ni Guo na si Sheila pagdating ng bansa.
Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap kay Alice Guo at iba pang kasamahan nito na huling napabalitang nagtatago sa Indonesia.