Kinilala ng travel magazine na Lonely Planet para sa buwan ng Hulyo ang isla ng Siargao sa Surigao del Norte bilang nangungunang lugar na magandang bisitahin sa Timog-Silangang Asya (SEA) dahil na rin sa malinaw na dagat at maipagmamalaking ‘surfing spots’ na nagpaangat dito bilang isa sa may ‘best waves’ sa mundo.
Tinalo ng Siargao Island ang mga maipagmamalaking tanawin sa SEA tulad ng Amed coastal area sa Indonesia, Khao Sok National Park sa Thailand, Penang tropical island sa Malaysia, at Gili Air sa Indonesia.
Ayon naman kay Department of Tourism (DOT) Sec. Christina Frasco, ang paggawad sa pagkilala sa naturang isla ay maituturing din na isang pagkakapanalo ng mga residente nito bukod pa sa isang tagumpay na tunay na maipagmamalaki ng buong Pilipinas.